-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Sabay na nilusob ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI)-10 at Securities of Exchange and Commission (SEC) ang tanggapan ng kontrobersyal na grupong Kabus Padatoon o KAPA sa Misamis Oriental at Bukidnon.

Ito’y batay sa search warrant ni inisyu ng korte laban sa KAPA dahil sa illegal investment scheme nito.

Alinsunod na rin ito sa kautusan ni Presidente Rodrigo Duterte.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni NBI-10 Reg Dir Atty. Patricio Bernales na kanilang isinilbi ang search warrant sa opisina ng KAPA sa Youngsville Subdivision, Barangay Igpit Opol Mis Or at sa tanggapan nito sa Barangay Poblacion, Valencia City Bukidnon.

Ayon kay Bernales, walang kahit isang opisyal ng KAPA ang kanilang nadatnan maliban lamang sa mga gwardiya nito.

Ngunit, kanilang nakumpiska ang mga mahahalagang dokumento tulad nang computer sets, laptops, scanner, printer at marami pang iba.

May nakuha rin silang salapi subalit hindi malaman ang halaga nito habang nagpapatuloy ang kanilang imbentaryo.

Karamihan kasi sa mga perang nakuha mula sa vault ng dalawang opisina ay pawang mga barya.

Inihayag ni Bernales na magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa KAPA habang kanilang inasikaso ang pagsasampa ng kaso laban sa mga area manager ng KAPA na sina Analiza Dangcalan at Benjamin Barretto.

Samantala, sinabi naman ni SEC-10 Reg Dir Atty Oliver Egypto na hindi hihinto ang kanilang kampaniya laban sa KAPA hanggang matigil ang illegal na operasyon nito.

Muling iginiit ng opisyal na noon pa ay kanila nang sinabi na panlilinlang ang aktibidad ng nasabing grupo kung kaya’t hindi ito dapat tangkilikin ng taong bayan.