LA UNION – Patay ang isang dalawang taon gulang na batang babae sa Barangay Boy-utan, Bauang, La Union dahil sa umano’y pananakit ng kanyang amain.
Ang biktima ay nakilalang si Missy Cassandra Jade Rivera habang ang suspek ay stepfather nito na nakilalang si Darwin Cortez, 21-anyos, walang trabaho, at residente sa nasabing lugar.
Nangyari ang insidente noong Mayo a-4 ng kasalukuyang taon at wala umano ang nanay nang mangyari ang pananakit dahil nagtatrabaho ito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo La Union kay Pol. Major Renato Gacad, deputy-chief-of-police ng Bauang Police Station, sinabi nito na inamin ng suspek sa imbestigador, na sinaktan niya ang bata sa pamamagitan ng pagsuntok sa tiyan nito ng limang beses, matapos mairita sa pag-iyak ng biktima habang natutulog ang suspek.
Nang makitang nahihirapan na ang bata na huminga, dinala sa Rural Health Unit ng Bauang hanggang sa inilipat sa Naguilian District Hospital ngunit idineklara ng doktor na dead-on-arrival na ito.
Sumuko umano ang suspek noong Mayo 6 matapos magsumbong ang mga kapitbahay at hiniling sa mga otoridad na respondehan ang ginagawang pagmamaltrato ng suspek sa bata.
Ngunit nakalaya din matapos na hindi pumasok sa inquest proceeding ang pagpila ng kasong murder, kundi naging regular filing na lamang ito.
Samantala, pormal nang nagsampa ng reklamo ang biological parents ng bata.
Naiiyak na sinabi ng biological father ng biktima, na mahal na mahal niya ang anak at hindi niya matanggap ang pagkamatay nito.
Hiling din ng lola ng bata na si Anabelle Madera na mabigyan ng hustisiya ang pagkasawi ng apo nito at gustong makulong ang suspek.
Sa ngayon, hinihintay na lang ang resulta ng otopsiya sa bangkay ng bata at nakatakdang ilibing ngayong araw ng Miyerkoles.