TUGUEGARAO CITY – Dalawang kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-Region 2 at isang crew ng nagka-aberyang yate ang nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Basco, Batanes.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Ens. Angenet Tabuzo ng Coast Guard District Northeastern Luzon na nagsasagawa ng diving venture para sa isang survey sa sanctuary area ng Barangay Chanarian, Basco sina Douglas Rutherford at Carson Chanthywong nang magkaaberya ang sinakyang yate.
Kasama rin sa nailigtas ang crew ng yate na si Emmanuel Domingo.
Ayon kay Tabuzo, hinampas ng malalaking alon ang mga biktima kung kayat nasira ang makina ng kanilang sasakyan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng coast guard station sa Batanes matapos na matanggap ang distress call.