-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Kaagad namatay ang dalawang estudyante matapos bumangga ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa concrete barrier ng tulay sa Magsaysay, Naguilian, Isabela.

Ang mga biktima ay ang driver ng motorsiklo na si Malbert Balimbin, 26-anyos na residente ng San Jose, Quirino Isabela, at angkas na si Vicente Esmela, residente ng Cabaruan, Naguilian, Isabela, kapwa mag-aaral ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Cpt. Mary Jane Sibbaluca, officer-in-charge Chief of Police ng Naguilian Police Station, sinabi niya na nilampasan ng mga biktima ang sinusundang sasakyan ngunit nawalan ng kontrol ang driver ng motorsiklo.

Aniya, liliko sana ang mga ito sa kanto sa kanan subalit dumiretso ang kanilang sinasakyang motorsiklo dahil sa bilis ng kanilang pagpapatakbo.

Nahulog ang mga biktima sa motorsiklo matapos bumangga sa concrete barrier sa gilid ng tulay na nagbunga ng kanilang kamatayan.

Tanging ang driver na si Balimbin ang mayroong suot na helmet.