-- Advertisements --

Siniguro ni Los Angeles Clippers head coach Tyron Lue na magiging handa na si NBA star Kawhi Leonard pagsapit ng training camp.

Ito ay sa kabila ng muling pagdanas ni Leonard ng problema sa kanyang tuhod nitong nakalipas na season.

Ayon kay Lue, binabantayan niya ang kasalukuyang kalagayan ni Leonard at tiyak na magiging maayos na ang kanyang kondisyon sa pagsisimula ng training camp.

Maalalang bahagi rin sana si Kawhi ng Team USA na sumabak sa Paris Olympics ngunit nagdesisyon ang USA Basketball na huwag na siyang isama at tuluyang pinalitan.

Noong nakalipas na season, nagawa ni Kawhi na maglaro sa loob ng 68 games bago muling sinumpong ang kanyang tuhod.

Tuluyan ding lumisan si NBA star Paul George sa pagtatapos ng season at nagtungo sa Philadelphia 76ers at daan upang mabuwag ang big-3 ng Clippers.

Magsisimula ang training camp ng LAC sa October 1 sa Honolulu, Hawaii.

Nakatakda ang unang laban ng LAC ngayong season sa Oct 23 kontra Phoenix Suns.