BUTUAN CITY – Sinuspende ng 15-araw ng mayor sa bayan ng San Francisco, Agusan del Sur ang dalawa nilang mga traffic enforcers na nag-viral matapos makunan ng larawang magka-angkas sa isang motorsiklo.
Sa ipinalabas na suspension order ni Mayor Solomon Rufila , nakasaad na nakagawa ng seryosong paglabag sa rules and regulations ang nasabing mga traffic enforcers lalo na’t mariing ipinagbabawal ang backriding ngayong panahon pa ng COVID-19 pandemic.
Eepekto ang suspensyon na walang sahod simula ngayong araw at babalik sila sa kanilang trabaho sa Hunyo a-25, araw na Huwebes.
Nakasaad sa Memorandum Order No. 6-11 series of 2020 na nilagdaan din ni municipal administrator Barry Maurice Montilla, na hindi itu-tolerate ng lokal na pamahalaan ng San Francisco ang ganitong paglabag lalo na’t mga traffic enforcers pa sila na sanang magiging modelo ng iba.
Umaasa ang San Francisco-LGU na sana’y magiging leksyon ito sa lahat na seryuso ang pamahalaan sa pagpapatupad ng ‘no back-ride’ policy upang maabot ang kampanya ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emergence of Infectious Diseases na mapigilan ang paglaganap ng nakamamatay na COVID-19.