-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Kalaboso ang dalawang tricycle driver na umano’y nagnakaw sa isang event coordinator sa lungsod ng Tuguegarao, kagabi.

Ayon kay Police Major Ruben Verbo, deputy chief of police ng PNP-Tuguegarao, sumakay ng tricycle ang biktima na si Shane Guzman, 25, sa Alimanao-Caggay dakong alas-8:00 kagabi papunta sa Caritan Norte.

Ang naturang tricycle ay minamaneho ng suspek na si Emilyano Bassig, 24, residente ng Annafunan East.

Nang makarating sa Macapagal Road, Brgy Balzain East, sumakay ang isa pang suspek na si Domingo Zalun, 32-anyos, residente ng Brgy Linao West, at tinabihan ang biktima.

Ngunit, ilang metro lamang nang makaalis ang tricycle mula sa lugar kung saan sumakay si Zalun ay naglabas ng kutsilyo ang mga suspek at nagdeklara ng hold-up.

Sinubukang manlaban ng biktima ngunit hindi nito nagawang maagaw ang kanyang bag na kinuha ng mga suspek na naglalaman ng P24,000 at cellphone.

Matapos makuha ang bag ay itinulak ni Zalun ang biktima palabas ng tricycle at pinaharurut naman ni Bassig ang tricycle nito.

Bago pa makalabas ng tricycle ang biktima ay nagawa nitong i-memorize ang body number ng tricycle.

Agad namang ipinagbigay alam ng biktima ang naturang pangyayari sa pulisya at sa pakikipag-ugnayan ng PNP-Tuguegarao sa Tricycle Regulatory Unit (TRU) ay natunton ang nagmamay-ari ng tricycle na dahilan ng pagkahuli kay Bassig.

Itinuro naman ni Bassig si Zalun, na kanyang kasama sa naturang krimen, na siyang dahilan ng kanilang pagkakaaresto.

Positibo namang kinilala ng biktima ang mga nahuling suspek na sila ang nanghold-up sakanya.