BAGUIO CITY – Siniguro ng lokal na pamahalaan ng Baguio City na mahigpit ang ipapatupad na mga alituntunin para sa mga turista mula Region 1 o Ilocos Region na papayagan ng pumasok at mamasyal sa City of Pines.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay City Administrator Bonifacio Dela Peña, sinabi niyang ngayong araw, October 3 darating ng Baguio ang unang dalawang turista mula Ilocos Region.
Aniya, nakompleto ng dalawa ang kaukulang mga dokumento na required sa mga kwalipikado sa tourism bubble ng Baguio-Region 1.
Maliban sa dalawa, nakatakda din aniyang tanggapin ng Baguio ang 39 na mga turista mula Region 1 kung saan nabigyan na rin ng kumpirmasyon ang mga ito.
Gayunman, umaabot na sa 500 ang mga nagrehistro sa Baguio VISITA application ng lungsod.
Nilinaw pa ni Dela Peña na limitado sa limang araw ang pagpasyal ng mga turista dito sa Baguio at mamomonitor ang mga galaw ng mga ito sa pamamagitan ng kanilang travel organizer.