-- Advertisements --

Pumayag na ang dalawang US officials na tumestigo sa isinasagawang impeachment investigation upang patalsikin sa pwesto si US President Donald Trump.

Sina dating U.S Ambassador to Ukraine Marie Yovanovitch at dating special representative for Ukraine Kurt Volker ay nakatakdang humarap sa Intelligence Committee ng House of Representatives sa darating na Oct. 11.

Kasunod ito nang paglutang ng hindi pa kinikilalang whistleblower na nagsiwalat ng mga impormasyon hinggil sa naging usapan sa pagitan nina Trump at Ukrainian President Volodymyr Zelensky.

Una nang sinupalpal ni US Secretary of State Mike Pompeo ang naging desisyon ng House Democrats upang kumuha ng testimonya mula sa ilang opisyal ng State Department.

Tinawag din nitong pambubully at intimidation ang ginagawang pang-iipit umano ng mga mambabatas sa presidente.

Kaugnay nito, mariing kinondena ng American president ang naturang imbestigasyon at sinabing isang coup de etat ang ginagawa ng Kongreso na naglalayon umanong tanggalan ng kalayaan ang mga Amerikano.