-- Advertisements --

Arestado ang dalawa umanong leader ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), sa ikinasang operasyon sa Atimonan, Quezon.


Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), kinilala ang mga suspek na sina Ruel Custodio alyas “Baste”, at Ruben Istokado alyas “Oyo” at “Miles,” na wanted sa kasong kidnapping at murder.

Nakuha sa posisyon ng dalawang suspek ang 2 granada, 3 handgun, at sari-saring ammunition.

Si Custodio ay finance officer ng Southern Tagalog Regional Party na responsable sa pangongolekta ng “revolutionary taxes” sa probinsiya ng Quezon province.

Sinabi ng PNP, isa umanong political instructor si Istokado para sa Komiteng Probinsya 1 ng Bicol Regional Party Committee. Respondent din siya ng magkahiwalay na kaso ng double murder at multiple murder, na inihain noong Setyembre 2014.

Sumasailalim na sa booking procedure ang mga suspek sa Lucena City bago sila iprisenta ang mga ito sa korte.