Inaresto ng mga sakop ng Talisay City police station ang dalawang lalaking umano’y lider ng gang habang nasagip naman ang ilang miyembro nito na karamihan ay mga menor de edad.
Kinilala ang dalawang lider ng gang na sina Mark Mitchell Canillo, residente ng Barangay Maghaway at Jay-R Caballero, residente ng Barangay Tabunok na parehong 18 anyos.
Ginawa ang pag-aresto kasunod na rin sa nangyaring riot noong weekend at nasangkot sa gulo ang grupo laban sa mga miyembro ng grupong Batang Cebu at Gangside Killer (GSK) sa Barangay Linao lungsod ng Talisay.
Si Caballero ay lider at founder ng Batang Dike Gang habang si Canillo naman ang lider ng Batang Maghaway Gang (BM16).
Nakumpiska ng pulisya mula sa posisyon ng mga ito ang dalawang .38 revolver at mga bala.
Matatandaan na noong Linggo, October 2, nakatanggap ng tawag ang Talisay PNP na sangkot ang dalawang grupo sa riot.
Nagkaroon na umano ng alitan ang mga ito sa isang disco at nagkaroon na ng habulan sa kalsada ang magkabilang grupo.