NAGA CITY – Kinilala na ang dalawang namatay sa nangyaring bakbakan kahapon sa pagitan ng mga sundalo at pinaniniwalaang rebeldeng grupo sa Sitio Mauban, Brgy. Mampirao, Caramoan, Camarines Sur.
Sa ipinalabas na impormasyon ng 9th Infantry Division (ID) Philippine Army, kinilala ang mga nasawi na sina Norberto Balcueva alyas Ka Obet/Ka Arlo 50 ng Barangay Poloan ng nasabing bayan at Salvador Remoto, 46, ng Barangay Pili, Presentacion ng lalawigan.
Ayon sa pamunuan ng 9th ID, isa umano si Balcueva sa mga matataas na opisyal ng CTG sa ikaapat na distrito ng Camarines Sur.
Biyernes nang mangyari ang bakbakan sa pagitan ng dalawang panig na ikinamatay ng nasabing mga indibidwal na umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) at nakarekober ng mga armas.
Una nang sinabi sa Bombo Radyo Naga ni Maj. Ricky Anthony Aguilar, OIC chief ng Division Public Affairs Office na nakatanggap ng impormasyon ang 83rd Infantry Batallion sa umano’y presensiya ng grupo sa nasabing lugar kung saan tinungo ng mga sundalo na nagresulta sa mahigit isang oras na bakbakan.