-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang dalawang umano’y mga supporter ng Daesh-inspired terrorist group sa isinagawang police operation sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ni P/Lt. Redin Cuevas , Deputy Chief for operations ng Polomolok PNP ang mga nasawi na sina Emilton Abedin Ampatuan alias “Meliton Ampatuan”, 45y/o, may-asawa at kasama nitong si Abdullah Sampulna Ampatuan kapwa residente ng Sitio Lagwang Purok 5, Brgy.Rubber, Polomolok, South Cotabato.

Ayon kay Cuevas, nanlaban umano ang mga suspek nang isilbi ng mga otoridad ang seacrg warrant sa pamamahay ng mga ito matapos matunugan na mahigpit na supporters ng teroristang grupo.

Unang nakatunog ang mga suspek nang dumating ang mga kapulisan at unang nagpaputok sa operating team kaya’t gumanti ang mga ito na nagresulta sa ilang minutong engkwentro kung saan tinamaan ang mga suspek.

Agad naman na dinala sa pinakamalapit na ospital ang mga suspek ngunit binawian din ng buhay.

Narekober sa crime scene ang isang unit ng caliber 45 na walang serial number, isang magazine , isang unit ng magnum 357 na revolver na wala ring serial number at mga mga bala.

Kabilang pa sa mga narekober sa tahanan ng mga suspek ang 2 unit ng hindi pa malamang homemade rifle, isang rifle grenade at ISIS flag.