ROXAS CITY – Dalawang market vendors ang nakitang nagbebenta ng pork siomai na posibleng positibo sa African Swine Fever sa Mambusao Public Market sa bayan ng Mambusao, Capiz.
Una rito ay nagpadala ng mga litrato ang isang concerned citizen sa Bombo Radyo Roxas upang ipakitang nakabili ito ng naturang produkto sa nasabing pamilihan.
Nagduda ito nang narinig sa balita na may 11 pakete ng frozen siomai na nakumpiska ng task force sa Iloilo Terminal Market na pinaniniwalaang positibo sa ASF.
Kaagad namang pinuntuhan ng Bombo Radyo News Team ang naturang pamilihan at doon nakompirma na ang naturang mga produkto ay mula sa Antipolo, Rizal na isa sa mga lugar na apektado ng ASF.
Ayon naman sa hindi na pinangalanang market vendor, matagal na siyang nagtitinda ng naturang produkto at wala rin itong alam patungkol sa ASF kung kaya’t patuloy pa rin itong bumibili sa pinagkukunang manufacturer.
Bagama’t walang direktang epekto sa tao ang ASF, pinaaalerto pa rin ang publiko dahil posible makaapekto ini sa swine industry.
Nabatid na mahigpit ngayon ang monitoring sa mga pantalana at pwerto sa Capiz sa mga pumapasok na pork products upang mapigilan ang pagpasok ng ASF sa lalawigan.