-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Nananatili sa kulungan ang dalawang katao na umano’y sangkot sa vote buying matapos na mahuli sa magkahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa Sorsogon City.

Unang naaresto si Reynaldo Nalda Pombo, 52-anyos, na nakunan ng siyam na sobreng naglalaman ng mga sample ballots na may pangalan ng mga kandidato kalakip ang P15,300.

Sunod naman na nadakip si Cesar Villafuerte, 54-anyos, na nakuhanan ng improvised master list ng mga botante, campaign cards/leaflets at sample ballots, na may mga pera na may kabuuang halaga na P26,100.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Col. Marlon Tejada, provincial director ng Sorsogon-Philippine National Police, kinumpirma nito na tatlo na ang lahat ng mga nahuling nambibili ng boto sa lugar subalit hindi na ito pinangalanan pa.

Binigyang-diin ni Tejada na sasampahan ng kaso ang mga nahuling suspek at maging ang mga kandidato na sangkot din sa krimen.