CENTRAL MINDANAO-Hinikayat ngayon ng dalawang young farmers mula sa Kidapawan City at Matalam, Cotabato na sumailalim sa 11 months training on agriculture sa bansang Japan at Taiwan ang mga kabataang Cotabateños na mahalin ang agrikultura.
Si Jomari A. Lao, ang nag-iisang recipient mula sa rehiyon XII, 26, ng Brgy. Sudapin, Kidapawan City, itinuturing na “once in a lifetime experience” ang 11 months training niya sa Taiwan sa ilalim ng Filipino Young Farmers Internship Program in Taiwan na sinimulan noong Oktubre 2021 at nagtapos nitong buwan ng Setyembre 2022.
Kuwento ni Jomari ang pagtungo niya sa bansang Taiwan ay nagbigay sa kanya ng pagkakataon na matuto lalo na sa larangan ng fish production and processing.
“Isa sa mga natutunan ko doon sa Taiwan ay yong technology nila sa aquaculture, lalo na yong sa paghuli, pagproseso, pag set-up ng fish cages at pagbebenta ng processed fish products sa merkado. Nakita ko rin doon ang kahalagahan ng oras at disiplina sa sarili lalo na pag ikaw ay isang magsasaka,” wika ni Lao.
Nabanggit din nito na nais niyang ibahagi sa kapwa niya kabataan at magsasaka ang natutunan niyang teknolohiya sa bansang Taiwan. Sa katunayan sa kanyang pagbisita kay Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza nitong buwan ng Oktubre nangako ang ina ng lalawigan na tutulungan ito sa kanyang agribusiness venture, kailangan lamang itong magsumite sa tanggapan ng gobernador ng kanyang project proposal.
Samantala, masaya namang nagkwento ng kanyang naging karanasan sa bansang Japan si Rommel Española, 24, tubong Pinamaton, Matalam, Cotabato at ang natatanging recipient din sa rehiyon XII sa Young Filipino Farm Leaders Training program in Japan.
Ayon kay Rommel, napili niya namang sumailalim sa training on fruit and vegetable farming kung saan pinag-aralan nito ang pag graft ng pipino, kalabasa, talong at kamatis. Natutunan din nito ang apple selection and pruning na bahagi pa rin ng kanyang training.
“Para sa mga Japanese time is gold kaya maliban sa makabagong teknolohiya sa pagsasaka, natutunan ko rin doon na pahalagahan ang oras at kailangan maging matiyaga at masipag ka kung gusto mong kumita,” dagdag pa nito.
Nais din niyang ibahagi sa mga magsasakang Cotabateños ang kanyang mga natutunang teknolohiya lalo na sa pag graft ng gulay na ayon sa kanya ay malaki ang maitutulong upang mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka ng gulay sa probinsya.
Nagpaabot din ito ng pasasalamat kay Governor Mendoza sa pagtulong sa kanyang pamasahe at iba pang pangangailangan ng magtungo ito sa Japan.
Nananawagan din si Lao at Española sa mga kabataang Cotabateños na wag ipagpapalit sa anumang propesyon ang pagsasaka dahil isa itong marangal na trabaho at dito nakasalalay ang kinabukasan ng sangkatauhan.