BAGUIO CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH)-Cordillera na aabot na sa apat ang mga patient under investigation (PUI) sa Cordillera Administrative Region kaugnay ng 2019 novel coronavirus kung saan, ang pinakabata sa mga ito ay dalawang taong gulang lamang.
Ayon kay Dr. Amelita Pangilinan, regional director ng DOH-Cordillera, ang mga PUI sa Cordillera ay may edad na dalawa, 27, 23, at 57.
Aniya, tatlo sa mga ito ang babae at isa ang lalaki kung saan, dalawa sa mga ito ang mula sa Benguet, isa sa Baguio City at isa din sa Mountain Province.
Inihayag ni Pangilinan na ang mga naturang indibidwal ay mga turistang namasyal sa Hong Kong at mainland China.
Idinagdag ng regional director na tatlo sa mga PUI ang naka-quarantine sa mga pribadong ospital habang ang isa ay naka-quarantine sa Baguio General Hospital and Medical Center.
Tiniyak ni Pangilinan na gumaganda ang kalagayan ng kalusugan ng mga nasabing PUI at hinihintay na lamang ang resulta ng test upanag malaman kung positibo ang mga ito sa novel coronavirus.