-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Sabay-sabay na ibinaba ng 20 armadong miyembro ng komunista at New People’s Army (NPA) rebels ang kanilang mga armas matapos sumuko sa mga otoridad sa probinsya ng South Cotabato.

Napag-alaman na pinangunahan mismo ni South Cotabato provincial director Colonel Jemuel Siason ang pagtanggap sa mga sumukong rebelde kung saan napag-alaman na nagmula pa ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng Region 12 na mga kasapi nang tinaguriang NPA Guerilla Front 73.

Sinasabing ilan din sa mga sumuko ay kanilang mga kumander kung saan ayon kay alyas Toto isa sa mga surrenderees, karamihan umano sa kanila ay mga dating mga magsasaka ngunit dahil sa kawalan ng pag-asa at labis na kahirapan napagpasyahan nilang pumasok noon sa rebeldeng grupo upang makapag-aral ang kanilang mga anak ngunit sa huli ay napagtantong walang magandang kinabukasan sa armadong pakikibaka.

Kasabay ng kanilang pagsuko ay narekober ng mga otoridad ang mga matataas na kalibre ng mga armas, granada at iba pang sensitibong mga dokumento.

Makakatanggap naman ng tulong mula sa gobyerno probinsiyal ng South Cotabato ang mga sumukong rebelde at may insentibong matatanggap sa bawat armas na isinuko.