Isinusulong ngayon sa 19th Congress ang 20 porsyentong diskwento sa pagkuha ng dirver’s license para sa mga tsuper ng Public Utility Vehicles (PUVs).
Ito ay ang House Bill No. 8070 na inihain nina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, Benguet lone district Rep. Eric Yap at ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap.
Sa ilalim ng naturang panukalang batas, saklaw sa diskwento ang examination fees, certificates, clearances at enrollment fees sa accredited driving schools.
Sa bisa kasi ng Land Transportation Memorandum Circular 2021-2284, ang mga kumukuha ng professional driver’s license ay dapat na 18 anyos, non-professional driver’s license holder ng isang taon at dapat pasado sa written exam at practical driving test.
Maliban pa dito, kailangan din ng aplikante na magsumite ng medical certificate, makakuha ng clearance mula sa NBI o PNP at makumpleto ang minimum na 8 oras na practical driving lessons mula sa anumang driving schools na accredited ng LTO o ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Kayat iginiit ng mga mambabatas na nasa 430,000 tsuper ng PUVs ang maapektuhan ng bagong mga requirements na itinakda ng LTO sa pagkuha ng professional driver’s license.
Kung wala aniya ang naturang diskwento, aabot ang magagastos para sa mga requirements sa pagitan ng P4,000 at P7,000.
Nakasaad din sa naturang panukala na makakatanggap ng fixed daily allowance ang mga aplikanteng tsuper para sa magagastos sa kanilang pagbiyahe papunta at mula sa kanilang napiling driving schools.
Mababawasan din ang requirements para sa mahihirap na PUV drivers sa pagkuha ng Professional Driver’s License.
Bibigyang prayoridad din ang mahihirap na PUV drivers na makapag-enrol sa acrredited driving schools kung saan libre ang mga driving course.
Ang mga public officers o empleyado naman na hindi tatalima sa pagbibigay ng mga nasabing benepisyo sa ilalim ng panuklang batas ay mumultahan ng P5,000 hanggang P20,000.