-- Advertisements --

Kabuuang 20 mga baril na kinabibilangan ng 17 high-powered firearms at 3 low-powered ang narekober kasunod ng engkwentro sa pagitan ng militar at New People’s Army (NPA) noong Martes, August 9 sa Brgy. Calassitan, Sto. Niño, Cagayan.

Kabilang sa mga narekober na baril ay ang M60, M14, Cal.30 Carbine, AK47, M653, M16A1, ibat-ibang parte ng armas at mga bala, ied components, medical paraphernalias, mga pagkain, at bandila ng teroristang grupo.

Tinataya namang nasa 15 miyembro ng NPA ang nakasagupa ng 17th Infantry Batallion na tumagal ng 15-minuto at wala namang naitalang sugatan o casualty sa kasundaluhan.

Habang patuloy pang inaalam kung mayroong nasugatan o nasawi sa panig ng NPA dahil mayroon umanong naiwang mga bakas ng dugo sa encounter site.

Ang nakasagupa ng militar ay pinangungunahan umano ni Edgar Bautista alyas “Simoy”, Secretary ng West Front Committee, Komprob, Cagayan.