Patuloy ang pagdagsa ng bilang ng mga debotong nagtutungo sa Minor Basilica of the Black Nazarene ngayong panahon ng Semana Santa.
Sa ulat ng tagapagsalita ng Quiapo Church na si Father Earl Valdez, tinatayang aabot sa 20,000 na mga deboto ang nakiisa sa prosesyon ng imahen ng Itim na Nazareno sa lungsod ng Maynila ngayong Biyernes Santo ng taong ito.
Aniya, ito na ang ikalawang Holy Week parade ng Itim na Nazareno mula noong tamaan ng COVID-19 pandemic ang bansa.
Natapos ang naturang aktibidad bandang alas-12:31 ng madaling araw ng Biyernes Santo mula nang simulan itong idaos bandang alas-11:13 ng gabi ng Huwebes Santo.
Samantala, kaugnay nito ay iniulat naman ni Manila Police District Director PBGEN Andre Dizon na sa gitna ng nagpapatuloy na paggunita ngayon ng Semana Santa ay tuluy-tuloy din ang kanilang ipinapatupad na mahigpit na seguridad sa buong Kamaynilaan.
Sa katunayan nito ay mayroon pa aniyang 1,600 na mga police personnel ang kanilang ipinakalat para magbantay sa seguridad sa kasagsagan ng naturang prosesyon.
Kung maaalala, una nang inihyag ng Pambansang Pulisya na aabot sa mahigit 77,000 na mga pulis ang ipapakalat sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas partikular na sa mga lugar na tinukoy nito bilang areas of convergence upang tiyakin ang seguridad t kaligtasan ng taumbayan hindi lamang ngayong Semana Santa kundi pati na rin para sa buong panahon ng summer vacation.