-- Advertisements --

CEBU CITY — Kinumpirma ng Department of Health (DOH)-7 na dadating sa Cebu ang 20,000 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines ngayong Marso 10 para sa nagpapatuloy na vaccination rollout.

Ayon sa tagapagsalita nitong si Dr. Mary Jean Lorreche na pinaghandaan na ng ilang mga pagamutan ang listahan sa mabibigyan ng nasabing bakuna gaya ng mga medical workers na nasa 60-anyos pataas.

Dagdag pa nito na ang matitira sa allocated na doses ay ibibigay din umano sa ibang mga frontliners na pumili na mabakunahan ng nasabing brand mula sa UK.

Samantala, giniit din ni Lorreche na naging patas ang pagbabahagi ng Sinovac vaccines sa ilang mga pagamutan sa Central Visayas kung saan naaayon ito sa percentage ng mga health workers.

Ikinatuwa rin ng DOH-7 ang pagsisimula ng vaccine rollout sa ilang mga pagamutan sa Cebu, Bohol, at Negros Oriental kung saan on-time umano ito.

Sa ngayon, nasa 2,341 na medical workers ang nabigyan ng COVID-19 vaccine at 52 nito ang nakaranas umano ng “adverse events.”