CEBU CITY – Ginising ng mga gumugulong na bato mula sa mahimbing na pagkakatulog ang mga residente ng Sitio Cadauhan, Brgy. Talamban, lungsod ng Cebu, pasado alas-10:00 nitong Martes ng gabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Louwina Edullantes, isa sa mga apektadong residente, nagising ito nang marinig ang pagbagsak ng mga malalaking bato sa kanilang bubong.
Ayon kay Edullantes na lumabas ito ng bahay upang suriin ang area at laking gulat nito nang nakita ang pagguho ng lupa kaya agad nitong ginising ang kanyang pamilya.
Aniya, ganito rin umano ang nangyari sa kanilang mga kapitbahay kaya agad silang nagsilabasan at temporaryong nananatili sa isang apartment na malapit sa kanilang lugar.
Agad namang rumesponde ang disaster team ng barangay, Bureau of Fire Protection at Quick Response Team ng Cebu City upang i-clear ang area.
Gayunpaman, wala namang naitalang namatay o nasugatan sa nangyaring landslide na tinatayang nasa 20 kabahayan ang apektado.
Ang pagguho ng lupa sa nasabing lugar ay dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan sa Cebu simula pa kahapon.