-- Advertisements --

NAGA CITY – Isinugod sa ospital ang 20 katao na kinabibilangan ng isang buntis at limang taong gulang na bata sa insidente ng food poisoning sa Brgy. Hobo, Minalabac, Camarines Sur.

Una rito, nabatid na nagkaroon ng feeding program sa isang paaralan sa nasabing barangay kung saan ipinamahagi ang nilupak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Janet Froyalde ng Bicol Medical Center, kinumpirma nito na 18 mga mag-aaral kasama ang bata at buntis na guro ang dinala sa nasabing pagamutan.

Nakaramdam umano ng matinding sakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae ang mga biktima kaya kaagad na isinugod sa nasabing ospital.

Aniya, hindi pa umano malinaw kung kontaminado ang kamoteng kahoy na pangunahing sangkap sa naturang kakanin o galing mismo sa mantikilya o asukal hinalo dito.

Sa ngayon ipapadala umano sa Metro Manila ang sample ng nilupak na nakain ng mga biktima para ipasailalim sa eksaminasyon.

Samantala nasa mabuting kundisyon na ang mga biktima at nakauwi na umano sa kanilang mga tahanan.