Umabot sa dalawampung tao ang namatay matapos sumabog ang fireworks factory sa Central Thailand. Ayon sa isang rescue worker na rumesponde sa sunog, nahirapan silang mabilang kung ilang tao ang nasawi dahil gutay-gutay na ang mga katawan ng mga biktima.
Ayon sa national disaster agency, patuloy pang iniimbestigahan ang naging sanhi ng pagsabog sa pabrika. Malaki raw kasi ang demand sa paputok ngayon dahil sa paparating na Chinese New Year.
Kinumpirma naman ng National Police Chief ng Thailand na nagkaroon na ng pagsabog sa parehong pabrika noong Nobyembre 2022 kung saan isang manggagawa ang nasawi at malubhang nasugatan ang tatlong iba pa.
Hindi na bago sa Thailand ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga pabrika ng paputok. Nitong nakaraang taon lang, sampu ang namatay sa pagsabog ng fireworks warehouse sa bansa. Sa parehong taon ay nagkaroon din ng pagsabog sa Chiang Mai kung saan labing isang katao ang nasugatan.