BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Talacogon, Agusan del Sur Mayor Pauline Masendo na hindi mapapakinabangan ang 20 medical oxygens na para sana sa Talacogon District Hospital matapos sumemplang ang kinargahan nitong hauler truck.
Sa panayamg ng Bombo Radyo Butuan sinabi ni Mayor Pauline Masendo, na sa 30 medical oxygen na karga sa nasabing trak, 10 na lamang sa mga ito ang magagamit matapos masira ang 20 iba pang mga tangke dahil sa aksidente.
Ayon kay Mayor Masendo, base na rin sa sinabi ng administrator ng Talacogon District Hospital, mula pa sa Davao City ang nasabing truck at posibleng dahil sa sobrang pagod ng driver kung kaya’t nangyari ang insidente dahil araw-araw umano itong nagde-deliver ng mga medical oxygen sa iba’t-ibat ospital nitong rehiyon.
Sa inisyal na imbestigasyon nawalan ng kontrol ang driver na si John Editon Pajo Petus sa mimanihuan nitong truck dahilan para tumilapon ang mga kargang oxygen tanks at tumagilid sa daan ang sasakyan.
Wala naman malubhang nasugatan sa insidente.
Maalalang limitado lamang ang supply ng mga medical oxygen ngayon sa Agusan del Sur.