BACOLOD CITY – Hindi bababa sa 20 katao ang nai-report na missing, kasunod sa malakas na pag-ulan na tumama sa central city na Atami sa Japan, na nagdala ng mudslide.
Sa interview ng Bombo Radyo Bacolod kay Josel Palma, Bombo international correspondent mula sa Yokohama, Japan, ang kinalalagyan nito na Kanagawa Prefecture ang katabi lang ng Shizouka Prefecture kung saan naganap ang mudslide.
Ayon kay Palma, ang Shizouka Prefecture ay malapit sa coastal area kung saan marami ang mga sea ports.
Pahayag nito, ang mudslide sa Shizouka Prefecture, partikular na sa Atami City ay nangyari kaninang alas-10:30 ng umaga oras sa Japan o alas-9:30 ng umaga oras sa Pilipinas.
Ayon dito, ang Shizouka Prefecture ay isa ring tourist destination at madami ang mga hotsprings.
Tinitingnan ni Palma ang posibilidad na nangyari ang mudslide dahil sa pagkasira ng ilang mga hotsprings sa lugar dahil sa mga pagbaha.
Patuloy naman sa paghahanap sa mga missing ang mga kapulisan at firefighters habang ang mga opisyal naman sa Shizouka Prefecture ang humihingi ng tulong mula sa national government.
Makikita naman sa video clip na naka-post sa social media ang mismong pagragasa ng tubig at pagtama sa Atami City kung saan nasira nito ang hindi bababa sa 10 kabahayan na kanyang nadaanan.
Ilan sa mga residente ang makikita na tumatakbo pauwi sa kani-kanilang mga bahay dahil sa pangamba na gawa ng pagragasa ng mudslide.
Habang ayon kay Palma, madami rin ang mga Pilipino na nakatira sa nasabing lugar, ngunit sa ngayon naghihintay pa ang mga ito ng advisory at impormasyon mula sa Philippine Embassy sa Japan.