Inilikas ang 20 pamilya sa isang subdivision sa Muntinlupa city matapos gumuho ang isang pader bunsod ng pabugso-busong pag-ulan at hangin dala ng bagyong Enteng at Habagat.
Ayon kay Muntinlupa city Mayor Ruffy Biazon, gumuho ang naturang pader sa tabi ng isang creek sa loob ng subdivision at nagdulot ng pagbaha. Inilikas naman patungo sa evacuation center ang mga apektadong pamilya.
Base naman sa City Government ng Muntinlupa, nasa 124 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers ng lungsod. Siniguro naman ng pamahalaang lungsod na may sapat na relief goods na ipapamahagi para sa mga pamilyang apektado ng bagyo.
Samantala, suspendido na rin ang mga klase at pasok sa trabaho sa city government dahil sa masamang lagay ng panahon.
Iniulat naman ni Mayor Biazon kaninang 8:34am na passable na o maaari ng madaanan ang National Road at Service Roads sa siyudad.
Ipinag-utos na rin ng alkalde ang clearing operation sa mga basurang nakabara sa daluyan ng tubig sa may Tunasan River bridge sa border ng Muntinlupa at San Pedro, Laguna.