(Update) Nasa ilalim na ng kustodiya ng mga otoridad ang pinaniniwalaang suspek na 21-anyos na nasa likod ng walang habas na pamamaril sa isang mall sa El Paso, Texas.
Ayon kay El Paso Police Department Chief Greg Allen maaaring kasuhan nila ng capital murder ang suspek.
May hinala ang opisyal na posibleng may kinalaman ang isyu sa “hate crime” sa panibago na namang mass shooting incident sa Amerika.
Iniulat din nito na umakyat na sa 20 katao ang patay at nasa 26 naman ang mga sugatan na itinakbo sa ilang ospital.
Una nang lumutang na isang nagngangalang Patrick Crusius ng Allen, Texas malapit sa Dallas ang kinilalang suspek.
Bandang alas-10:00 ng umaga (local time) nang nagsimula umanong makatanggap ng reports ang mga pulis tungkol sa nagaganap na pamamaril.
Kaagad namabg inabisuhan ang mga mamamayan sa El Paso na huwag munang magpunta sa Cielo Vista mall na malapit sa El Paso international airport.
Sinabi naman ng Federal sources na kabilang sa iniimbestigahan ngayon ang online writing na na-post ng suspek ilang araw bago ang insidente na posibleng may kinalaman daw sa motibo nito.
Labis naman ang pagkagulat sa pangyayari ni Rep. Veronica Escobar na siyang kinatawan sa lugar at sinabing isa itong uri ng “massacre.”
Aminado ito na “shocking” ang pangyayari dahil sa pagtaas pa ng bilang ng mga biktima.