-- Advertisements --

SOUTHERN SIBERIA – Umakyat na sa 20 ang bilang ng nasawi dahil sa matinding baha sa katimugang bahagi ng Siberia sa Russia.

Maliban sa mga natukoy na binawian ng buhay, may walong iba pang nawawala.

Ayon sa Emergency Ministry, may na-rescue silang lima sa 13 nawala sa kasagsagan ng baha, kaya bumaba ang bilang sa walo na lamang.

Nabatid na 55 bayan at komunidad ang tinamaan ng matinding ulan sa Irkutsk region.

Aabot sa 4,000 bahay ang nasira, halos 200 ang naospital, habang libu-libo ang nagsilikas.

Kaugnay nito, inatasan na ni Russian President Vladimir Putin ang kanilang militar para tumulong sa rescue operation.

Gagamitin ng mga sundalo ang kanilang amphibious vehicles para masaklolohan ang mga naipit sa mga binabahang lugar.