KHARTOUM – Nasa 20 katao umano ang patay habang 22 iba pang sugatan makaraang lumusob ang hindi pa tukoy na armadong grupo sa isang village sa estado ng South Darfur sa Sudan.
Ayon sa isang local leader, pinaputukan ng mga militia, na sakay sa mga kabayo at camel, ang mga residente sa Um Doss area, na may layong 90-kms mula sa kabisera ng estado na Nyala.
“Militias attacked us and took over our land years ago… and now they want to kick us out of our homes and farms once again. Where is the government and why has it not come to protect us?” ayon sa isang saksi.
Ang nasabing insidente ay kasunod ng mga karahasang ginawa ng mga militia sa North Darfur, kaya napilitan ang mga otoridad na magdeklara ng state of emergency noong Hulyo 13.
Noong 2003 nang magsimula ang gusot sa Darfur makaraang mag-aklas ang mga non-Arab rebels sa Khartoum government.
Marami naman ang idinaraing ang kalupitan ng pwersa ng gobyerno at Arab militia, na pinakilos upang supilin ang pag-aalsa.
Sa pagtataya ng United Nations, nasa 300,000 na raw ang napatay sa sigalot. (Reuters)