Nananatiling iniimbestigahan ang 20 Pilipinong seafarers sa South Korea kasunod ng nadiskubre ng mga awtoridad na dalawang tonelada ng cocaine na nakasilid sa kanilang barko.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, kasalukuyang inuusig ang lahat ng Pinoy crew na sakay ng barko sa may daungan sa eastern coastline ng South Korea.
Nakipagkita naman na aniya ang abogado mula sa may-ari ng barko sa 20 Pinoy seafarers gayundin nakatakdang sumama ang isa pang abogado mula sa DMW sa defense team.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DMW sa mga pamilya ng mga seafarer at sa mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Seoul.
Matatandaan, nauna ng naglunsad ng imbestigasyon ang local authorities sa Norweigian-flagged vessel matapos makatanggap ng intelligence mula sa US agencies na naglalaman ito ng nakatagong narcotics.
Matapos na dumaong sa east coast port sa SoKor, agad na sinalakay ng mga awtoridad ang barko at doon na nadiskubre ang nakatagong compartment sa likod ng engine room ng barko at natagpuan ang mga iligal na droga na nakabalot sa 56 na sako.
Nauna ng iniulat ng Korea Coast Guard na naglayag ang barko mula sa Mexico at huminto sa Ecuador, Panama at China bago dumaong sa pantalan ng SoKor.
Ito na ang itinuturing na pinakamalaking drug bust operation sa kasaysayan ng South Korea na may tinatayang street value na one trillion won o P39.3 billion.