-- Advertisements --

Nasa 76 na items ang may bagong suggested retail price (SRP) o pinayagan ng Department of Trade and Industry (DTI) na magkaroon ng paggalaw sa presyo mula sa kabuuang 216 items.

Sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na mula 20 sentimos hanggang piso lamang ang absolute minimum na pinayagan ng DTI na maitaas sa presyo ng mga produktong ito.

Kabilang aniya rito ang noodles, kape, gatas, condiments, gayundin ang non-food items tulad ng sabong panlaba at iba pa.

Ayon kay Usec. Castelo, isang item ng corned beef lamang ang tumaas ng higit dalawang piso batay sa inilabas na suggested retail price ng DTI o P2.85 centavos.

Matagal na kasi umanong hindi gumagalaw ang presyo nito o noon pang 2019 kung kailan sila humiling na magtaas ng presyo pero pinigilan muna noon ng DTI.

Paliwanag ni Usec. Castello, hindi naman nila pwedeng patuloy na pigilan ang paggalaw ng presyo ng ilang produkto dahil baka magresulta aniya ito sa pagbagsak ng industriya, baka ito magsara o kaya ay magbawas ng mga manggagawa o tuluyan na silang hindi mag-produce ng produkto at mawawalan ng choices ang consumers.

Tiniyak naman ni Usec. Castello na mahigpit ang kanilang pagbabantay para matiyak na nasusunod ang SRP.

Epektibo kaagad ang bagong SRP na inilabas ng DTI nitong Agosto 29, subalit binibigyan ng pagkakataon ang mga may-ari ng grocery stores at supermarkets na makapagpalit ng tagprices sa kanilang mga ibinibentang produkto.