-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot sa 20 commercial stalls ang tinupok ng apoy sa Tacurong City Public Transport Terminal sa Sultan Kudarat.

Ayon sa residenteng si John Plantig, partikular na nasunog ang area malapit sa entrance ng terminal kung saan lumaki ang apoy at kinailangan pang respondehan ng mga fire trucks ng Bureau of Fire Protection sa mga bayan ng Lambayong, Pres. Quirino at Isulan upang matulungan ang BFP-Tacurong na maapula ang apoy.

Umabot sa 25 minuto ang pag-apula ng apoy matapos mabilis itong kumalat sa mga kalapit na mga stalls na gawa sa light materials.

Masuwerte na lang at walang nasugatan sa sunog na umabot din sa second alarm.

Sa inisyal na impormasyon ng BFP Tacurong, nagmula umano sa isang karinderya ang apoy matapos pumutok ang isang LPG na sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan.

Nasa P1-milyon naman ang iniwang danyos ng nasabing sunog.