LEGAZPI CITY – Kawalan ng kontrol sa manibela dahil sa mechanical error ang itinuturong dahilan ng pagbaligtad ng isang jeepney sa kahabaan ng Maharlika Highway, Brgy. Ticol, lungsod ng Sorsogon.
Bunsod nito nagtamo ng mga sugat at pilay sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 17 pasahero ng jeep na nabatid na mula sa Sorsogon City proper patungo sa bayan ng Castilla.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Legazpi, mabilis umano ang takbo ng naturang jeep kung saan natanggal ang lock sa kanang gulong ng metal bars na kilala sa tawag na “hanger” na dahilan upang ma-misalign ang dalawang gulong sa unahan.
Natanggal din ang propeller ng jeep na gumulong sa sementadong kalsada at dahilan ng pagbaligtad ng sasakyan.
Kabilang sa mga lulan ng jeepney ay nakilalang sina Domingo Asañon, 53; Glen Jebulan, 29; Ma. Irny Mangampo, 26; Jelo Jebulan; Joren Bonto, 36; Myra Dellomas, 34; Joyce Hacutina, 22; Liezl Leoderes, 41; Arcelia Bajamundi, 48; Catherine Domdom; Diana Mae Caretero, 24; Pamela Almojela, 20; Milagros Ebuenga, 47; Maria Lasim, 65; Joyce Bellen; Adelida Escoral; at Jocelle Marticio.
Sa kasalukuyan, hawak na rin ng Sorsogon City Police ang drayber ng naturang jeep na kinilalang si Jose Jazmi, 37, residente sa naturang barangay na swerteng ni galos ay walang tinamo habang pinag-aaralan na rin ang posibleng pananagutan nito sa insidente.