Tiniyak umano ng young actress na si Jane de Leon na gagawin nito ang kanyang “best” matapos mapiling bumida sa film remake ng “Darna” ni Mars Ravelo.
Ayon kay Star Cinema managing director Olivia M. Lamasan, ito ang ipinangako ni de Leon nang tanungin ng ABS-CBN executives hinggil sa ipinagkatiwalang papel.
“I will do everything and anything for the role because I believe in her, I believe in what Darna stands for,” saad daw ni de Leon.
Una rito, si Lamasan din ang nag-anunsyo sa bagong Darna mula sa halos 300 celebrities na nag-audition para sa naturang role.
Ang 20-anyos na si Jane ay nakilala sa pagganap bilang nakababatang kapatid ni Jericho Rosales sa teleseryeng “Halik,” at dating miyembro ng girl group na GirlTrends sa isang noontime show.
Samantala, asahan umano ang coming-of-age story sa bagong bersyon ng Darna.
“Yung Darna story natin ngayon is a genesis story, a coming of age. Ang requirement talaga is somebody na young and with an air of innocence but at the same time a strength of character.”
Kung maaalala, ang 21-anyos na si Liza Soberano sana ang gaganap bilang Darna pero kinailangan sumailalim sa operasyon sa kanyang daliri. (photo from Cosmo)