ROXAS CITY – Dumulog sa istasyon ng pulisya ang 200 mga indibidwal na biktima ng illegal recruiter.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay M/Sgt. Ramil Arcangeles, public information officer ng Roxas City PNP, sinabi nito na hinikayat ni Ramilyn Andrade ng Barangay Bolo, Roxas City ang mga biktima ng magandang trabaho sa South Korea.
Ngunit lumalabas sa imbestigasyon ng mga pulis na si Andrade at si Korean national Kim Tayyong ang diumano magkarelasyon at may kinalaman sa LG Santon Company na humahanap ng mga factory worker para magtrabaho sa South Korea.
Inienganyo ni Andrade ang kaniyang mga biktima na malaking sahod ang naghihintay sa kanila sa South Korea na aabot sa P130,000 kada buwan.
Sinabi ni Arcangeles na humingi ng tulong sa kanila ang 200 na complainant na naloko ni Andrade at Tayyong.
Sa alegasyon ng mga biktima, matapos daw nilang bigyan ng malaking halaga si Andrade bilang bayad sa placement fee, pocket money, terminal fee at insurance ay hanggang ngayon hindi pa sila nakakaalis ng bansa.
Napag-alaman din na tatlong beses sila pinangakuan ni Andrade na matutuloy ang pagtrabaho nila sa South Korea.
Dahil dito, hindi na nagdalawang isip ang mga complainant na ipaabot sa pulisya ang nangyari.