Iniulat ng Vatican authorities na nasa tinatayang 250,000 katao ang nagtipun-tipon para sa funeral o libing ng lider ng Simbahang Katolika na si Pope Francis ngayong araw ng Sabado, Abril 26.
Kabilang sa mga nagtungo sa Vatican ang mga political at religious leaders kasama ang libu-libong pilgrims para mamaalam kay Santo Papa Francisco.
Kung matatandaan noong libing ni dating Pope Benedict XVI noong 2023 nasa 50,000 katao ang dumalo habang nasa 300,000 naman ang dumalo noong libing ni dating Pope John Paul II noong 2005.
Sa parte naman ng homilya ni Cardinal Giovanni Re sa funeral mass para sa Santo Papa, inihayag niyang pinili ng late pontiff ang landas ng pagbibigay ng kaniyang sarili hanggang sa huling araw ng kaniyang buhay sa mundo.
Ang huling imahe aniya ng Santo Papa na mananatili sa ating alaala ay noong Easter Sunday kung saan sa kabila ng kaniyang karamdaman ninais niyang makapagbigay ng basbas mula sa balcony ng Saint Peter’s Basilica.
Sa kaniyang huling public appearance sa araw bago ang kaniyang kamatayan, nagbigay ang Santo Papa ng tradisyunal na pagbabasbas sa Linggo ng Pagkabuhay sa harap ng mga tao.
Mula sa balcony, bumaba ang Santo Papa sa St. Peter’s Square para batiin ang malaking bilang ng mga tao na nagtipun-tipon para sa Easter mass habang nakasakay sa Popemobile.
Sa pamamagitan aniya ng ating mga dasal, ating ipinagkakatiwala ang kaluluwa ng yumaong Santo Papa sa Diyos para bigyan siya ng habambuhay na kasiyahan sa liwanag at dakilang pagmamahal.
Matapos ang isasagawang simpleng seremoniya sa Vatican, dadalhin ang labi ng Santo Papa para ilibing sa may Basilica di Santa Maria Maggiore sa Roma.