-- Advertisements --

NAGA CITY – Patuloy na minomonitor ngayon ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng bayan ng Nabua sa Camarines Sur ang ilang barangay kung saan naitala ang baha dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Leonel Quiñones, head ng MDRRMO, kinumpirma nito na 200 kabahayan na ang lubog dahil sa mataas na baha.

Apektado umano nito ang mga residente mula Barangay Antipolo Young, Antipolo Old, Lourdes Young at San Juan.

Itinuturong rason ng pagbaha ang tubig na nagmumula sa lungsod ng Iriga at bayan ng Buhi dahil na rin sa ilang araw na buhos ng ulan.

Napag-alaman na mula pa kahapon ay nakamonitor na ang nasabing tanggapan sa mga lugar na madalas bahain at ngayon ay nakabantay sa posibleng tulong na pwedeng maibigay sa mga residente.