Posibleng madiskwalipika ang nasa 200 kandidato bago ang barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre ayon sa Commission on Elections ngayong araw ng Lunes.
Sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na nag-isyu na ang poll body ng show cause orders sa 4,000 kandidato na inakusahan ng premature campaigning.
Sa naturang bilang, nasa 700 na ang tumugon at 200 naman ang nakaambang madiskwalipika.
Nasa 30% ng mga kandidato na inakusahan ng maagang pangangampanya ay mula sa National Capital Region.
Karamihan sa mga reklamo na kabilang sa premature campaigning ay ang paglalagay ng mga poster at tarpaulin maging ang vote-buying sa pamamagitan ng mga raffle o pamamahagi ng goods.
Una ng naghain ang poll body ng disqualification cases noong Biyernes kung saan panibagong 35 pa ang nakatakdang ihain ngayong araw at sa mga susunod pang araw.
Palala pa rin ng Comelec sa mga kandidato na sa Oktubre 19 hanggang 28 pa lamang ang simula ng opisyal na pangangampanya para sa BSKE.