BAGUIO CITY – Isinailalim sa lock down ang isang bunkhouse sa isang mining community sa Virac, Itogon, Benguet matapos magpositibo sa COVID-19 ang 55 na mga minero na nakatira sa nasabing gusali.
Kabuuang 200 na mga minero at mga pamilya ng mga ito ang kasalukuyang naka-quarantine sa ini-lock down na Carpentry Bunkhouse.
Ayon kay Governor Melchor Diclas, ginawa nilang quarantine o isolation facility ang bunkhouse habang gumagawa sila ng paraan para madagdagan ang quarantine facilities doon.
Gayunman, sinabi niyang ipinapatupad naman doon ang management protocols na sinusunod sa mga COVID positive cases.
Nilinaw naman niya na lahat ng mga positive cases ay dinala sa ikatlo at ika-apat na palapag ng gusali habang ang mga asymptomatic ay sa una at ikalawang palapag.
Nagpadala na rin ang DSWD ng 1,000 na food packs para sa mga naka-quarantine na pamilya habang nagpapatuloy ang extensive contact tracing at expanded risk-based testing sa mga mining communities at bunk houses sa nasabing bayan.