-- Advertisements --

Nagbabala si Vice President Sara Duterte na nasa 200 personnel ng Office of the Vice President ang posibleng mawalan ng trabaho sa gitna ng pag-tapyas ng alokasyong pondo ng OVP para sa 2025.

Ito ay kasunod na rin ng mabilis na pag-apruba ng mga Senador sa P733 million na pondo para sa OVP kung saan in-adopt ang House resolution na nagtapyas ng P1.3 billion mula sa orihinal na panukalang pondo ng OVP na P2.03 billion.

Ipinaliwanag ng Bise Presidente na hindi lamang ito makakaapekto sa mga programa at proyekto ng OVP kundi maging sa 200 service personnel ng tanggapan.

Saad pa ng Ikalawang Pangulo na natanggal umano sa pondo ang budget source para sa pagpapasahod sa nasabing mga personnel sa satellite offices ng OVP.

Sinabi din ni VP Sara may posibilidad na maipasara ang satellite office depende sa pondo na makukuha nila sa General Appropriations Act. Bagamat ipinunto ng Bise Presidente na kanilang ima-maximize o pagkakasiyahin ang pondong ibibigay sa OVP para sa susunod na taon.

Una ng sinabi ni VP Sara na isang political harassment ang pagtapyas ng pondo ng OVP.