(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Pinakilos ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang kanilang mga tauhan para direktang kumuha ng mga detalye ukol sa malawakang pagbaha na tumama sa apat na bayan ng Lanao del Norte kagabi.
Una rito, hindi pa nakapagsumite ng kanilang initial damage report ang apektadong mga bayan ilang oras ang makalipas nang salantain ng kalamidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lanao del Norte PDRRMO head Ableza Manzano na posibleng mismo ang mga opisyal ng Maigo, Tubod, Bacolod at Kolambogan ang direkta na ring apektado ng mga pagbaha kaya ang kanilang mga tauhan na ang pumunta para kukuha ng parsyal na mga impormasyon.
Inihayag ni Manzano na bagamat aminado ito na mayroong malawakang pagsilikas subalit hindi pa hawak nito ang nasa 200 na bilang na pamilya na nagmula sa bayan ng Maigo.
Halos lampas tao ang lalim ng tubig-baha na naranasan ng mga inilikas na mga residente nang bumuhos ang malakas na ulan na epekto ng masamang panahon.