Nasa 200 pulis ang ide-deploy ng Philippine National Police (PNP) para magbantay sa unang Bar exam sa labas ng Metro Manila na isasagawa sa tatlong unibersidad sa Cebu sa Pebrero 4 at Pebrero 6.
Ang tatlong pagdarausan ng Bar exam ay ang University of Cebu sa Banilad, University of San Carlos-Main campus at University of San Jose Recoletos-Basak Pardo.
Tiniyak ni PNP Public Information Office (PIO) chief PBGen. Roderick Augustus Alba na maagang ide-deploy ang kanilang mga tauhan sa mga naturang lugar sa araw ng exam para paalalahanan ang mga motorista sa mga isasarang kalsada.
Ito’y dahil sa pakiusap ng mga administrator ng naturang paaralan na limitahan ang mga sasakyan sa bisinidad ng mga unibersidad upang hindi makaistorbo sa examinees ang ingay ng trapiko.
Nakiusap naman ang PNP sa mga kamag-anak at kaibigan ng mga examinees na kung maari ay wag nang mag “send off” sa mga examinees upang maiwasan ang overcrowding sa labas ng mga unibersidad.
Paalala din ng PNP sa mga examinees na istriktong sundin ang mga health protocols bago at pagkatapos ng exam.