Panibago pang dagdag na mahigit 2,000 mga pangalan ng mga overseas Filipino workers (OFW) na nagnegatibo sa COVID tests ang inilabas ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ang 2,044 OFWs na nagnegatibo sa RT-PCR testing ng Philippine Red Cross ay karagdagan sa naunang mahigit 10,000 pang mga pangalan na inilabas din ng Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs. (pls click italized the complete list of names)
Agad namang tiniyak muli ng PCG na mailalabas daw sa lalong madaling panahon ang quarantine clearance ng mga ito para makapiling na ng mga bayaning OFW ang matagal na ring nag-aantay na kanilang mga pamilya.
“Nakahanda na ang quarantine clearance ng mga OFWs na ito na maaari nilang matanggap anumang araw ngayong linggo mula sa OWWA o sa kani-kanilang manning agency.”
Samantala, iniutos na rin kagabi ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa mga ahensiya ng gobyerno na payagan nang makauwi ang mga OFWs na nagnegatibo sa COVID tests.
Ito ang iniulat ni Sec. Carlito Galvez, ang chief implementer ng government national action plan sa COVID response.
Sa report ni Galvez sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng IATF, kinumpirma nito ang direktiba ni DND chief Sec. Delfin Lorenzana sa DOTr, OWWA at Marina na payagang makalabas ng mga quarantine centers at sa mga cruise ships na nakahimpil sa Manila Bay ang mga natapos nang sumailalim sa RT-PCR tests at nagnegatibo.
Bago ito ipinaabot ng ilang seafarers at OFW sa Bombo Radyo ang labis nilang pagkadismaya dahil marami sa kanila ay nagnegatibo naman sa PCR test pero hindi pa rin pinapayagang makauwi sa kanilang mga tahanan.
Ang iba naman sa mga seafarers ay lampas na sa 14 na araw na quarantine period sa ilang mga cruise ships na nasa Manila Bay anchorage area.
Meron ding ibang mga Pinoy crew ang halos mag-iisang buwan na sa barko at ang iba ay nasa mga hotels at makeshift na quarantine centers sa Metro Manila.
Kinumpirma rin naman ni Galvez na sa kabuuan nasa 22,432 na ang naisailalim sa tests ng Red Cross. Pero 465 sa mga ito ay nagpositibo sa COVID-19.
“Sa ngayon po ito ang medyo malaking problema natin. Mr. President I would like to inform you na malaki ang problema natin sa returning OFW dahil sa ngayon po more than 27,000 na ang nandito ngayon sa Manila.”
Aminado rin ito na lalong lolobo pa ang problema ng gobyerno sa backlog kung hindi mapauwi ang mga OFW dahil darating na naman ang karagdagan pang 42,000 ngayong buwan ng Mayo at sa papasok na Hunyo.
“So, mao-overwhelm na po ang ating mga hotels,” ani Galvez.