-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Dangerous Drugs Board (DDB) na mahigit 20,000 mula sa 42,000 barangay sa buong bansa ang na-clear na sa ilegal na droga sa ilalim ng Duterte administration.

Ayon kay DDB chairman Catalino Cuy, naging matagumpay ang clearing sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency, PNP, at mga lokal na pamahalaan.

“Pati na rin ‘yung mga local government natin malaki ang role, malaki ang responsibilidad ng local government natin sa barangay drug cleaning,” wika ni Cuy sa isang panayam.

“’Yung barangay ito ang frontline, eh, sa laban na to at syempre ‘yung mga barangay captain sila ang ano diya, ang pinaka chief diyan sa lugar nila, si mayor, si governor,” dagdag nito.

Sinabi pa ni Cuy na nasa 14,000 pa ang kinakailangang ma-clear na mga barangay, na nahahati sa tatlong kategorya: severely affected, moderately affected, at lightly affected.

“For the past years nga bukod sa 20,000 na na-clear, marami din na-improve from severe naging moderate, from moderate naging slightly. So ito yung mga kasama ngayon sa 14,000 na natitira pa,” ani Cuy.

“So ang challenge ngayon is to clear this remaining 14,000 at panatilihing drug free ‘yung na-clear na [20,000] at saka ‘yung about 8,000 na never been affected. Meron tayong 8,000 na hindi talaga naapektuhan.”