Aabot umano sa 20,000 katao ang kinakailangang i-contact trace sa lalawigan ng Bulacan.
Paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III, ito raw ay batay sa bilang ng mga aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa probinsya.
Batay sa pinakahuling datos, nasa 2,018 ang mga kumpirmadong COVID-19 cases sa Bulacan, kabilang na ang 788 recoveries at 58 fatalities.
Una rito, ilang mga opisyal ng Inter-Agency Task Force at National Task Force on COVID-19 ang nagtungo sa Bulacan sa harap na rin ng pagtaas ng mga kaso sa lalawigan.
Nasa warning zone na kasi ang Bulacan dahil halos puno na ang mga COVID-19 beds at isolation rooms sa lugar.
“Ang inyong quarantine facility, bed capacity medyo malaki ang kulang kaya nandito naman kami para magbigay ng suhestyon na ang DepEd ay papayag naman na gamitin ang kanilang public elementary school buildings to augment your need for more isolation and quarantine facilities,” wika ni Duque.
Bilang paghahanda naman sa posibleng pagsirit pa ng mga kaso, target ng mga otoridad na makapagtayo ng Bulacan Community Mega Quarantine Facility na may 100-bed capacity.
Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando, kahit na inilagay sa general community quarantine ang kanilang probinsya, mananatili pa rin ang mga ipinatutupad na istriktong health protocols.
“Naka-pabor pa rin po kami sa lockdown ng mga zoning areas. Ano po, ‘yan po ang pinaka-mahala sa lahat at [kapag] hindi natin maghihigpit aba’y dadami na naman po ito. Nung nag MECQ nakabawas po kami,” ani Fernando.