Nakatakdang magpadala ang gobyerno ng Pilipinas ng $200,000 o katumbas ng mahigit P11 milion na donasyong pinansiyal para sa mga biktima sa Syrian Arab Republic kasunod ng tumamang malakas na 7.8 magnitude na lindol sa nasabing bansa at sa Turkey noong nakalipas na buwan na nag-iwan ng mahigit 55,000 katao na nasawi.
Ayon sa Presidential Communications Office, ang naturang donasyon ay ipapaabot sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Ang nasabing donasyon rin at karagdagan sa ibibigay pa na in-kind relief assistance ng pamahalaan para sa Syria.
Matatandaan na una na ring nagpadala ang gobyerno ng Pilipinas ng 82-man Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) sa Turkey para tumulong sa response operations mula sa pinsalang iniwan ng malakas na lindol.