-- Advertisements --
image 166

Binigyang diin ng European Union (EU) na ang 2016 arbitration ruling kung saan naipanalo ng Pilipinas ang petition nito sa exclusive economic zone sa West Philippine Sea kontra sa historical claims ng China ay legal na may bisa at mahalaga para maresolba ang maritime disputes.

Inilabas ang naturang statement ng delegasyon ng EU at mga embahada sa Maynila na member states ng EU gaya ng Belgium, Czechia, Denmark, Germany, Ireland, Greece, Spain, France, Italy, Netherlands, Poland, Austria, Romania, Slovakia, Finland at Sweden kagabi bago ang ika-7 taong anibersaryo ng desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands.

Inalala din ng EU na ang dispute settlement mechanisms na nakapaloob sa ilalim ng Unitewd Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay nakakatulong para sa pagpapanatili at pagsusulong ng international order o kaayusan base sa rule of law at mahalaga upang maayos ang hidwaan.

Ipinunto din ng EU ang kahalagahan ng paninindigan sa kalayaan, mga karapatan at tungkulin na nakasaad sa UNCLOS partikular na ang kalayaan ng paglalayag at overflight o pagpapalipad ng aircraft sa isang partikular na lugar.

Nangako din ng commitment ang EU para sa pagkakaroon ng malaya at bukas na maritime supply routes sa Indo-pacific alinsunod sa international law gaya ng nakapaloob sa UNCLOS para sa interes ng pangkalahatan.

Suportado din ng EU ang pagkakaroon ng agarang dyalogo na layuning magkaroon ng epektibong Code of Conduct sa pagitan ng ASEAN at China na salig sa UNCLOS at iginagalang ang karapatan ng third parties.