Ilalabas na ng Supreme Court (SC) sa Mayo 3 ang resulta ng 2016 Bar Examinations.
Sinabi ng SC Public Information Office, magsasagawa muna ng special en banc session ang mga mahistrado ng SC bago ilabas ang resulta sa itinuturing na pinakamahirap na pagsusulit sa bansa.
Pag-uusapan daw sa nasabing sesyon ng mga Supreme Court justices ang passing grade sa eksaminasyon.
Sa ilalim kasi ng Rules of Court, kailangang makakuha ng 75 percent rate ang isang bar examinee sa lahat ng subject upang makapasa.
Pero maari naman itong ibaba ng mga mahistrado depende sa resulta ng eksaminasyon.
Noong nakaraang taon ay aabot sa 6,831 bar graduates ang kumuha ng pagsusulit sa University of Sto Tomas (UST) na isinagawa sa apat na Linggo ng Nobyembre.
Kabilang sa mga subject sa bar exam ang Political Law, Civil Law, Taxation, Labor Law, Criminal Law, Remedial Law, Mercantile Law, Legal at Judicial Ethics.
Si Associate Justice Presbitero Velasco Jr. ang tumayong chairman ng bar examination noong nakaraang taon.